Saturday, April 28, 2018

Ibong Mandaragit: Repleksyon sa mga Panimula


Ang nobelang Ibong Mandaragit na isinulat ni Amado V. Hernandez noong dekada '60 ay isa na ngayon sa mahahalagang bahagi ng panitikang Pilipino. Mahaba ang kaysayan nito kaya ngayon ko pa lamang sisimulang basahin ang akdang ito. Magkagayunman, nabasa ko na ang buod nito noong nag-aaral ako ng high school. Naging aralin namin ito sa Filipino III sa panahon ng BEC 2002 curriculum. Ito ang nakapukaw sa akin ng interes na makilala pa ang akdang ito.

Sa pagsilip ko sa akdang ito nang magkaroon ako ng pagkakataon na mahawakan ang orihinal na dekada 60 na limbag ng aklat na ito sa aklatan ng aking paaralan sa pamantasan, natuklasan ko na marami pa akong dapat matuklasan sa nobelang ito. Ang buod na nabasa ko noong high school ay pasilip lamang sa kabuuan ng nobelang ito.

Ilang taon matapos kong mahawakan ang lumang kopya ng aklat na ito, mapalad akong makapagmay-ari ng kopya nito na mabibili sa mga kilalang aklatan sa bansa ngayon. Sa kasamaang palad, dala na rin ng mga inaasikaso at pagpipilit na makatapos ng masters degree, ito kasama ng iba pang mga kalat ay hindi ko napaglaanan ng panahon na basahin ng buo.

Kasabay ng pagkakabuo ng blog na ito, babasahin kong ang aklat na ito upang matuklasan ang mga kwentong nakapaloob sa aklat na ito. Bilang pagtulong sa pagpapakilala ng aklat na ito sa iba pang tao, isusulat ko sa blog na ito ang aking repleksyon sa nobelang ito maging ang buod ng bawat kabanata nito.

Simulan na natin....

Ang Ibong Mandaragit ay isang nobelang sosyo-politiko (ayon na rin sa aklat nito) dahil patungkol ito sa kalagayan ng mga Pilipino at sa mga taong namamahala at mga nagtataguyod ng karapatan ng mga tao.

Una ito nalimbag noong 1969 bilang isang buong aklat.

PAUNANG SALITA
ni HENERAL CARLOS P. ROMULO
Kalihim, Kagawarang Panlabas
REPUBLIKA NG PILIPINAS
(Marso, 1969)
Repleksyon:
Mababasa sa paunang salitang ito ang malaking paghanga ng noon ay kalihim ng Kagawarang Panlabas ng Pilipinas sa may-akda ng nobela. Naging kakaiba diumano ang nobelang ito ni Amado V. Hernandez dahil kaysa sumabay sa nauusong nobela ng romansa at eskapismo, mas pinili ni Hernandez na ilarawan ang kalagayan ng mga Pilipino mula sa panahon ng pananakop ng mga Hapon hanggang sa pagpapatuloy ng pamumuhay ng mga Pilipino sa mga lumang impluwensyang mapaniil sa karapatan mabuhay ng mga Pilipino. Bilang dating katrabaho ni Hernandez sa mga pahayagang DMHM, ganitong binuod ni Romulo ang katauhan ni Amado V. Hernandez:

"Ayan si Amado V. Hernandez, isang peryodista, makata, orador, at mangangathang makabansa, na tunay na dangal ng ating panitikan at kapurihan ng ating bayan."

PAUNAWA NG MAYKATHA
Repleksyon:
Ipinaalam dito na nakulong si Hernandez sa kasong "rebellion complex" noong Enero 26, 1951 dahil sa pagtulong sa kilusang maggagawa. Sa pagkakabilanggong ito, nabuo niya ang kanyang mga obra at isa rito ang aklat ng kanyang mga tula na "Isang Dipang Langit". Kasabay ng aklat ng tulang ito nabuo ni Hernandez ang balangkas ng nobelang Ibong Mandaragit. Tulad ng ibang obrang nabuo sa bilangguan na ginawa ng mga tulad ni Balagtas sumilang ang mga obra ni Amado V. Hernandez. Naging daan din ang paunawang ito upang pasalamatan niya ang mga taong nakatulong sa kanya upang mailimbag ang aklat na ito.

PAUNAWA SA BUMABASA NITO: Malaya kayong gamitin ang nilalaman nito ngunit tandaan na ikredito ito sa aklatmulat.blogspot.com


No comments:

Post a Comment