Marami nang nagbasa kay Bob Ong. Marami na rin ang na-post sa Facebook na quotes mula sa mga naisulat niya. Maaaring sabihin na bahagi na si Bob Ong ng makabagong panitikan sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, marami pa rin (sa tingin ko) ang sumusubaybay sa bagong ilalabas ni Bob Ong sa hinaharap. Ito ay sa kabila na nananatiling pa ring misteryoso si Bob Ong sa kanyang mambabasa.
Sa pagbasa ko sa mga aklat ni Bob Ong, narito ang mga napansin kong paksa ng bawat aklat:
1. ABNKKBSNPLAko?! (2001) - ito ay mga salaysayin tungkol sa mga karanasan ni Roberto Ong (o ni Bob Ong?) sa kanyang buhay-paaralan mula nang mag-aral siya ng kinder, elementary, high school, college, at hanggang sa maging guro rin siya. Makikita rito ang kanyang obserbasyon at sentimyento tungkol sa mga nangyayari sa paaralan at buhay mag-aaral. Kung natuto ka ng Abakada noong elementarya, nabasa mo ba ang pamagat ng aklat na ito?
2. Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? (2002) - ito ay aklat tungkol sa mga isyung panlipunan sa Pilipinas. May mga nagsasabi na karamihan ng mga laman nito ay mula sa iba't ibang sanggunian kaya masasabing kalipunan lamang ito na ginawa ni Bob Ong ngunit ang mga sinasabi niya sa mga nakalap na isyu ay siyang nagpapatingkad sa mga suliranin ng ating bansa. Subukan mong basahin ang aklat na ito at malalaman mo kung bakit kahit ikaw baliktad magbasa ng aklat niyang ito.
3. Ang Paboritong Libro ni Hudas (2003) - tungkol sa espiritwalidad ang paksa ng aklat na ito. Kung minsan napapaisip ka tungkol sa ating Panginoon, makikita mo sa aklat na ito na mahalaga ang pananampalataya. Huwag kang magtutungayaw at maaari mong marinig sa iyong isip matapos mabasa ang aklat na ito ang theme song ng Tanging Yaman.
4. Alamat ng Gubat (2003) - "ang librong pambata para sa matatanda!". Bakit? Ang cute ng mga drawing sa mala-childrens book na ito ngunit ang banghay (plot), kakaiba. Mapapaisip ka tungkol sa Pilipinas matapos mong basahin ito.
5. Stainless Longganisa (2005) - paano nga ba magsulat? Dito mo mababasa sa aklat na ito kung paanong ang maging manunulat ay matamis na mahirap na hindi mo maipaliwanag. At ang magaling sa aklat na ito, rekomendado ito ng mga manunulat ng Harry Potter at Da Vinci Code... diumano...
6. Mac Arthur (2007) - sa aklat na ito makikita na may kwento rin ang mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot. Ito ay dahil lahat ng tao ay may pinagdadaanan. Na-gets mo ba 'yung pamagat? Napansin mo ba yung pabalat ng aklat? Kung napansin mo, isipin mo kung ano ang kaugnayan nito sa mga bida.
7. Kapitan Sino (2009) - "ang pinakabagong superhero noon". Panahon ni Pang. Cory, isang electrician ang naging superhero. Sa aklat na ito mauunawaan mo na minsan ay abusado ang mga tao at kung magkakaroon man ng superhero sa totoong buhay, paano kaya sila itatrato ng mga taong ang iniisip ay ang kanilang sarili lamang.
8.Ang mga Kaibigan ni Mama Susan (2010) - noong una kong binasa, akala ko isang simpleng diary lang. Akala ko walang excitement. Mali ako. Kung malikot ang imahinasyon mo, nakakatakot na kwento ito. At payo sa magbabasa nito, huwag basahin ang mga nakasulat dito na hindi mo naman naiintindihan, malay mo, baka sumpa iyon.
9. Lumayo Ka Nga sa Akin (2011) - akala mo romance pocketbook, screenplay pala na nasa anyo ng romance pocketbook ang aklat na ito. Tulad ng Shake, Rattle & Roll, nahahati sa tatlong kwento ang aklat na ito. Ito ay may Aksyon (Bala sa Bala, Kamao sa Kamao, Satsat sa Satsat), Horror (Shake, Shaker, Shakest), at Drama (Asawa ni Marie). Ang aklat na ito ay kritisismo ng mga mismong mga karakter sa kalidad ng pelikulang Pilipino. At tama ang pamagat ng aklat na ito.
10. Si (2014) - (pasensya na, di ko pa nababasa... walang panahon....) pero nang silipin ko ang aklat na ito, nagsimula ito sa 72 at natapos ang kabanata sa 1. Anong klaseng pagkakabanata....? Edad kaya yun ng tauhan sa aklat. Malalaman...
At iyan ang mga aklat ni Bob Ong sa ngayon. May susunod pa sana/kaya? Alin sa mga ito ang nabasa mo na? Tama ba ang mga sinabi ko rito?
No comments:
Post a Comment