Wednesday, April 17, 2019

BUHAY PILIPINO ni Mars Ravelo, Isang Pagbabalik-tanaw

Sa ilang pagbisita ko sa National Library, ilang aklat at titulo na rin ang aking nabasa. Sa periodic section ng aklatan, lagi kong binabalikan ang Liwayway magazine dahil alam naman ng sinumang dalubhasa sa panitikan na isa ang Liwayway sa naging kanlungan ng mga sumibol na panitikang Pilipino sa kasaysayan.

Isa sa mga kinagiliwan kong basahin ay ang Buhay Pilipino ni Mars Ravelo. Una kong nakilala ang Buhay Pilipino noong nasa kolehiyo pa ako at noon pa lamang nakabibili ng sarili kong kopya ng Liwayway. Hindi nga lamang si Mars Ravelo ang nagpapatuloy sa pagsulat nito pero makikita sa komiks na ito ang karaniwang buhay ng mga karaniwang Pilipino na naghihikahos, nahihirapan, ngunit nakakahanap pa rin ng ligaya sa buhay.

Nabigla at natuwa ako nang malaman kong si Mars Ravelo pala ang unang sumulat at gumuhit ng Buhay Pilipino. Isang tunay na hari ng komiks si Mars Ravelo na gumawa ng mga obra tulad ng Dyesebel, Darna, at Captain Barbell. Batay sa pagkakaalam ko ay mahigit dalawang dekadang hinawakan ni Mars Ravelo ang pagsulat sa Buhay Pilipino bago ito nalipat sa kamay ng ibang manunulat.

Habang binabasa ko sa maseselang pahina ng lumang Liwayway (na mula pa noong 1940's hanggang 1950's kaya malutong na ang mga pahina at kapag nilukot mo ay naging alikabok na!) ang bawat isyu ng Buhay Pilipino, nangingiti ako dahil ganoon pala ang buhay noong bata pa ang aking ama at mga tiyahin at tiyuhin. "Ano kaya ba ang Apolatsiko? Usong dance song kaya iyon ng early 1950's?", naitatanong ko sa sarili ko.

Sa kasamaang palad, bawal ipa-photocopy ang bahaging kailangan ko ng Buhay Pilipino dahil bukod sa marupok na ang mga pahina (kahit nahawakan iyon ng aking mga kamay at nabubuklat pa naman) ay bawal madaanan ng matinding ilaw ang pahina at lalabo (bagay na nauunawaan ko).

Buti na lang at may microfilm version ang bawat lumang bersyon ng Liwayway. Dahil dito, posible akong makakuha ng paborito kong eksena ng Buhay Pilipino (kahit nga ba black and white lang, dahil colored ang orihinal na pahina nito). May kalabuan ang ibang pahina pero mababasa pa rin.

Sampung taon pagkaraan, habang muli kong binabalikan ng basa ang iilang kabanata ng Buhay Pilipino, nangingiti pa rin ako hindi lamang sa hatid nitong komendya kundi sa buhay na mababakas nito sa humigit 60 taon.