Thursday, May 24, 2018
Ang Baybayin at ang Ortograpiyang Filipino
Kamakailan ay naging usap-usapan ang balak na pagbabalik o paggamit ng Baybayin sa pagsulat ng ating wikang Filipino. Nagkaroon ng makabayang sentimyento ang iba dahil sa pagiging Pinoy ng alpabetong ito ngunit para sa iba pang karamihan, ang paggamit nito ay magdadala lamang ng kalituhan at panibagong pag-aaral.
Ang alpabeto ay ginagamit upang maipaunawa sa iba sa paraang pasulat ang nais sabihin. Marami nang teknikal at makabagong salita ang wikang Filipino na hindi kayang lamanin ng Baybayin bukod pa sa limitado ang simbolong maaaring gamitin sa mga tiyak na tunog. Sa mga nakakaalam ng paggamit ng Baybayin, kung gagamitin ito ngayon, paano mo babaybayin ang salita MESA na kinakainan mo at ang MISA na dinadaluhan mo sa simbahan?
Kaysa isipin kung paano maisasakatuparan ang paggamit ng Baybayin, bakit hindi natin pagtuunan ng pansin ang estandardisasyon ng pambansang wika. Hindi kaila na marami pa rin Pinoy ang nakasusulat nga at nagkababasa ng isinulat ngunit may ilang hindi naaayon sa wastong baybay. Isama pa rito ang mga balbal na pagbabaybay sa social media at cellphone na nakaiimpluwensya sa paniniwala ng mga kabataan sa paraan ng pagsulat o kaya'y sa pagtipa ng mga titik sa iba't ibang kagamitang pangteknolohiya. Isipin na lang na sanay na silang baybayin ang ganitong pahayag, "tayo nalang naman ang nandito..."
Para sa mga nababahala sa paraan ng pagbabaybay ng kanilang wikang Filipino, maaari ninyong makita ang kopya ng Ortograpiyang Pambansa sa Kautusang Pangkagawaran Blg. 34, s. 2013 ng DepEd o maaaring kumunsulta sa Komisyon ng Wikang Filipino.
Subscribe to:
Posts (Atom)